Mga Eksena Tuwing Linggo sa Lucky Plaza

>> Monday, January 26, 2009

Lucky Plaza is a hub for the Filipino community in Singapore, which can be observed on Sundays when Filipina domestic workers congregate in the vicinity. Wikipedia

Sa tren pa lang papuntang Orchard nangingibabaw na ang usapan ng grupo-grupong Pinoy na base pa lang sa lakas ng boses, halatang-halata na ang sobrang pananabik na makipagpalitan ng kwento (o tsismis) sa kanyang kababayan. Kung ipipikit ko lang ang mga mata ko, napakadali na para sa aking ma-imagine na nakasakay ako ng LRT papuntang Recto. Kung isasabay ko pang kalimutan ang lakas ng aircon at pati na rin ang luwag ng sinasakyang tren, pwede ko na ring maisip na nakasakay ako ng MRT na papunta naman ng Cubao.

Pagdating sa Orchard Station, lagpas kalahati ng sakay ng tren ang bumababa at lagpas kalahati rin ng mga bumababa ang Pinoy. Walang tulakan. Mahinahon ang pagbaba at pagpunta ng mga tao sa may escalator. Pagdating doon, wala pa ring tulakan at wala ring siksikan. Mahinahong pumipila ang bawat isa hanggang sa makasakay sa escalator. Marahil takot ang mga Pinoy na makabangga ng locals. Kung gugustuhin (o di kaya’y pipilitin o di kaya’y tatakutin), kaya naman pala talaga ng mga Pinoy na maging mahinahon at higit sa lahat, maging disiplinado.

Paglabas sa underpass na dinaraanan mula sa underground na istasyon ng MRT, mas marami pang Pinoy ang makikitang nag-uumpukan sa kalye. May mga nakatayo sa tapat ng mga mall at may mga iba namang nakaupo sa gilid ng kalye. Kung pupunuin siguro ng mall ang Luneta, ganung-ganun ang magiging hitsura kapag Linggo. Sari-saring kwento ang maririnig -- balita tungkol sa mga kamag-anak sa Pinas, kwento tungkol sa mga amo o alaga o trabaho at syempre pa, tatak na ng pagiging Pinoy, balitang showbiz! Kawawa naman si Anne, hiniwalayan ni Sam. Buti na lang nanalo naman s’yang Best Actress at friends pa rin naman sila. Eh si Boy kaya saka si Marianne, kailan magiging magkaibigan? Pareho naman kasi silang ayaw tumigil sa pagsasalita. Mabuti pa si Karylle, tahimik. Pangiti-ngiti lang. Hayyy… Nakaaaliw.

Pagpasok mo sa loob ng Lucky Plaza, para ka lang pumasok sa Isetan Recto. Nagkalat pa rin ang mga Pinoy mula sa una hanggang sa ikaapat na palapag ng mall. May mga namimili ng pabango (branded at original pero mura lang kung magaling kang makipagtawaran), may mga namimili ng produktong galing Pinas (tuyo, dried mangoes, Boy Bawang, pancit canton, sinigang mix, Likas Papaya at iba pa), may mga nagpapagupit sa mga parloristang Pinoy rin (bukod sa mura, nakasisiguro ka pang hindi ka magmumukhang miyembro ng F4 pagkatapos mong magupitan), may mga nagre-remit ng pera (bumaba nang kaunti ang palitan kahapon - 1 SGD = 31+ PHP na lang ang dating 1 SGD = 32+ PHP na exchange rate), may mga nag-aayos ng mga package na ipapadala sa Pinas, may nagpapa-load at bumibili ng load, at syempre, may nagpapakasasa sa mga lutong Pinoy sa patuloy na dumarami at lumalaking Filipino restaurants/carinderias sa Lucky Plaza. Wala talagang diet-diet kapag nasa LP. ‘Pag nandun ka puro “P” lang ang iniisip mo – pasalubong, pamilya, padala at putaheng Pinoy! ‘Yung isa pang “P” na may kasunod na tatlo pang letra, wala akong masyadong maikwento. Marami rin daw ‘yun doon, pero sa halos sampung beses ko nang pagpunta sa LP, wala pa naman akong nakikita o napapansin. Kung sa bagay, ba’t nga naman sila magpapapansin sa akin? Alam naman siguro nilang hindi kami talo.

Paulit-ulit lang ang mga eksenang ito tuwing pumupunta ako sa Lucky Plaza. Maswerte nga talaga ang Lucky Plaza. Isipin mo, kung lahat ng Pinoy sa Singapore papauuwin sa Pilipinas, ang mukhang Luneta tuwing Linggong LP area, paniguradong walang ipagkakaiba sa Makati kapag hindi sinasabayan ng walang katapusang pagra-rally ng masa ang mga araw ng pagpapatupad ang holiday economics ni Gloria. Walang buhay. Siguradong-sigurado, kung walang mga Pinoy, maraming negosyo (remittance centers, Filipino stores at iba pa) sa LP ang magsasara. Maswerte rin ang mga Pinoy na nasa Singapore. Kung walang LP, ang bawat daraang Linggo'y wala nang ipagkakaiba sa bawat araw na iginugugol lang sa trabaho. Kumbaga, kapag ang isang Overseas Filipino Worker nasa LP, nabubura at panandalian n’yang nakakalimutan ang “O” at “W” sa pagka-OFW n’ya. At syempre, dahil d’yan, ang day-off nagiging “DAY-OFF” talaga.

Read more...

  © Blogger templates Romantico by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP